Joshua happy with GMA 7

 
Kung hindi ka umalis sa ABS-CBN,   palagay mo ba, maaabot mo ang kinalalagyan mo ngayongnasa GMA7 ka na? 

Unang tanong namin kay Joshua Dionisio nang makapanayam namin siya sa bagong teleserye ng Kapuso Network na may titulong  Ikaw Lang Ang Mamahalin kung saan katambal niyang muli si Barbie Forteza

“Hindi po!” nabilis na sagot ni Joshua.

“Nasa awkward age po ako noon at wala silang maibigay na roles sa amin sa ganu’ng edad. Kapapanalo ko pa naman po ng Best Actor award sa PMPC (Philippine Movie Press Club) para sa MMK performance ko sa episode na Sako,”  kuwento ni Joshua.

“Noong  mag-young Dingdong Dantes po ako sa Stairway to Heaven ng GMA7 at young Rhian Ramos po naman si Barbie, maayos po kaming nagpaalam sa ABS-CBN  at nag-click naman po kami. Kaya, nagkasunud-sunod  ang projects namin sa Kapuso Network.”

Tinutukoy ni Joshua pagkatapos ng Stairway to Heaven ay ang Dear Friend, First Time, Pilyang Kerubin, Nita Negrita, Tweenhearts. Naging regular din sila sa Party Pilipinas, at ito ngang latest Kapuso soap na Ikaw Lang Ang Mamahalin.

Pitong projects sa loob ng isang taon?

Aba’y punung-puno pala ng grasya ang dumating kay Joshua magmula nang lumipat siya ng network.

Bukod pa rito ‘yung pelikulang ginawa niya sa GMA Films at ang sangka-tutak na mall shows at showbiz events.

Hindi ba mayroon kang young brother na naiwan sa Dos?     

“Opo, si Jacob. Binibigyan naman po nila ng project  paminsan-minsan. Pero, nawawalan na rin po ‘yun ng gana ngayon sa Dos. Nakikita po kasi niyang halos araw-araw, nagte-taping ako sa GMA7.”

Eh, si Barbie, parang hindi mo na iniiwan ngayon? Parang hindi mo na  kayang itago na nahuhulog na ang loob mo sa kanya? Sweet na sweet ka na sa kanya ngayon. Huwag mong itanggi, dahil, kita-kits din ng iba pang reporters ngayon.

“Actually, hindi po nagbabago ang pagtingin ko sa kanya (Barbie) bilang younger sister. Nagma-mature lang po siguro kaya nagiging closer kami sa isa’t isa..”

Nang mahalata ni Joshua na ayaw naming maniwala, nangatwiran siya.

“Ganito po ‘yun, ayoko nang maulit sa amin ni Barbie ang nangyari noon sa amin ni Eliza (Pineda). Batang-bata pa kami pareho noon kaya maraming tutol, marami kaming kinatatakutan... parents namin, friends, ganu’n  po. Actually, hindi po seryoso ang  nangyari sa amin ni Eliza. Hanggang  telepono, text-text lang. Ni hindi nga po kami umabot sa pag-uusap nang personal. Pang-baby na relasyon lang talaga. Pero, ayoko pa rin pong maranasan iyon ulit sa amin ni Barbie.”