Eat Bulaga! launches coffee table book

GMA News
Pagkaraan ng mahigit 30 taon sa telebisyon, inilunsad nitong Huwebes sa Makati ang kauna-unahang coffee table book ng Eat Bulaga! na pinamagatang, “Eat Bulaga: Unang Tatlong Dekada."

Sa loob ng 33-taon at pagdaan ng anim na presidente ng bansa, naging laman ng tahanang Pilipino ang Eat Bulaga! na pinangungunahan ng mga host na sina Sen Tito Sotto, Vic Sotto at Joey De Leon.

Sa ulat mismo ni Pia Guanio, anchor ng Chika Minute sa 24 Oras nitong Huwebes, inihayag umano ni Joey na isang linggo na siyang hindi nakatutulog dahil sa nerbiyos sa paghihintay sa naturang book launching.

Bukod sa mga present at past hosts ng program, nandoon din sa book launching ang mga tao sa likod ng Eat Bulaga! sa pangunguna nina Antonio P Tuviera, Pres. and CEO ng Tape Inc and APT Entertainment; at Malou Ochoa-Fagar, Executive Vice President, TAPE Inc.

Sa naturang coffee table book, makikita ang mga larawan tungkol sa Eat Bulaga! sa nakalipas na tatlong dekada. Marami umano sa mga lawaran ay mga never before seen.

Ano nga ba ang sikreto nina Tito, Vic at Joey para tumagal ang kanilang show?

“Yung mga tao, yung mga dabarkads, mga kasama namin for the past 30 some years, 33 years. Yung mga bata no’n, adults na ngayon, so yung mga nagkaanak na ‘yon, nanonood pa rin ng Eat Bulaga!. So yung mga manonood, yung mga tao, mga taongbayan, dabarkads. Yun ang talagang bumubuhay sa Eat Bulaga!," ayon kay Vic.

“Ang drive siguro naming tatlo, makikita natin yung inspirasyon natin… sila at yung dabarkads. Sabi ko nga, kaya ko nabanggit yung evolution, nabanggit ko na ‘to dati, Eat Bulaga! has become a public service program masquerading as entertainment show," dagdag naman ni Sen Tito.

Ayon kay Pia, host din ng Eat Bulaga!, mayroon ding 3,000 CDs na limited edition silver anniversary ng Eat Bulaga! ang ipamimigay. Dito umano nabuo ang idea na gawan ng coffee table book ang pinakamatagal na TV show sa Pilipinas.

Ipapaalam na lamang umano sa Eat Bulaga! kung kailan mabibili ang coffee table book sa merkado.

Dumalo rin sa book launching ang mga pinuno ng GMA 7 Network na naging tahanan ngEat Bulaga! sa mahabang panahon. Pinangunahan ito nina Atty Felipe L Gozon, Chairman and CEO, GMA Network Inc. at Mr Gilberto R Duavit Jr., President and COO, GMA Network Inc.

“Walang kapares ang Eat Bulaga!. Congrats to all the people behind Eat Bulaga!," pahayag ni Atty Gozon, na nagsabing ang segment na "Juan For All, All for Juan," ang paborito niyang bahagi ngayon ng show.

“We’re very proud to be part of the Bulaga! family also," ayon naman kay Mr Duavit., na nagdeklara na habambuhay na ang partnership sa Eat Bulaga!.