Annabelle, marami pang ilalantad kay Nadia


Gorgy Rula

Kukunin pa lang ni Annabelle Rama bukas ang reklamo ni Nadia Montenegro laban sa kanya at saka pa lang niya sasagutin.
Kaya lang, may pani­bagong kaso na namang isinampa sa kanya, kaya lalong gumugulo.
Lalong tumindi ang iringan nila at madalas ay nagsasagutan sila sa Twitter.
Nang mag-guest si Tita Annabelle sa Startalk kamakalawa ng hapon, wala pa kaming nababasang tweets si Nadia.
Sinabi ni Nadia sa hu­ling interview na hindi na muna siya magsasa­lita. Ginagawa lang daw niya ‘yun para sa kanyang mga anak.
Maingat ang GMA 7 sa pag-guest ni Tita Annabelle sa Startalk at baka may mga sabihin itong libelous o slanderous.
May nakabantay na abugado na kung meron siyang mabitawang ka-libel libel na pahayag, papatayan siya ng audio.
“Naku, dong! Kung io-off n’yo ako, hindi ako aalis hanggang sa matapos ang show,” tili ni Tita Annabelle.
Alam ni Tita Annabelle ang mga sasabihin niya, kaya maingat siya sa mga binibitawan niyang pahayag na posibleng makasuhan ng libel.
Matindi pa rin ang mga pasabog niya laban kay Nadia.
Marami pa raw siyang ilalantad laban kay Nadia, na maaring sabihin daw niya sa ibang talk show.
Kung hindi raw niya ito magagawa sa GMA 7, maaring sa ibang istasyon.
Naisingit pa ni Tita Annabelle ang paniningil ng pagkakautang daw sa kanya ni Nadia, pati raw ang furnitures na binigay niya nang lumipat ito ng bahay.