Lolit, galit pa rin kay Lito Camo


Hindi ko na napa­kinggan ang pag-uusap nina Manay Lolit Solis at Lito Camo kamakalawa nang hapon pero ang alam ko, nakatikim ng talak to the max ang huli dahil galit pa rin si Manay Lolit sa mga ginawa nito.
Ayaw pa sanang kausapin ito ni Manay Lolit, pero napakiusapan lang ito ni Tita Cristy Fermin na kausapin na para mapakinggan daw ang panig nito.
Itinanggi ni Lito na siya ang nagkalat ng ganu’ng intriga dahil hindi raw niya kayang gawin ‘yun.
Narinig lang daw niya sa iba ang kuwentong may hawak si Manay Lolit ng mga pictures at birth certificate ng diumano’y anak ni Manny Pacquiao kay Kat Ordoñez kaya itinanong lang daw niya ito kung totoo ba ito.
Pati ang anggulong inutusan daw si Manay Lolit ni Willie Revillame na siraan si Manny ay itinanggi rin niya ito.
Wala pa raw sa isip niya na kalabanin si Manay Lolit kaya nakikiusap itong tapusin na ang isyu at tigilan na sana ang pagsasalita ng kung anu-ano laban sa kanya dahil nasasaktan na raw siya.
Tila hindi pa rin nakumbinsi si Manay Lolit at hindi pa rin humupa ang galit niya sa singer/composer kaya hindi ko pa alam kung magsasalita pa ito sa Startalk bukas.
Abangan na lang ang kuwento ng Startalk tungkol sa intrigang hinaharap ni Manny Pacquiao at kung may masasabi pa si Manay Lolit na nadamay sa intrigang ito.