Richard, kakaiba ang high sa triathlon


Nahihilig ngayon si Richard Gutierrez sa sports na triathlon, na una niyang nasubukan nu’ng mag-organize siya kamakailan ng fun run for GMA.
That time ay takot pa siyang tumakbo nang 5 km dahil akala niya ay hindi niya kakayanin. Ngayon ay warm up na lang niya ang 5-km run.
Ang triathlon ay pinagsama-samang swimming, biking at running.
Favorite ni Chard ang biking dahil sa speed at sa idea na he is riding a machine at nag-e-enjoy siya. Magdadala siya ng dalawang bisikleta pagpunta niya sa isla.
Sa Ironman Philippines na triathlon event sa CamSur ay sumali si Chard nu’ng Agosto 14. Relay ang sinalihan niya.
Siya ang gumawa nu’ng 90-km biking leg, pero meron siyang swimmer at runner na teammates. 3 hours and 5 minutes ang kanyang time.
Bale ‘yon ang first triathlon event na sinalihan niya, tapos ay nasundan ng isa pang triathlon event na inorganisa kamakailan ni Senator Pia Cayetano sa Alabang. Nagpe-prepare si Chard to join the full Ironman race next year.
Ang ibig sabihin no’n ay 1.9 km na swimming, 90 km na biking at 21 km na running na mag-isa ka lang.
Yearly ginagawa ang Ironman sa CamSur. Third year na nito this year at parami nang parami ang sumasali, sabi ni Chard.
Sa mga taga-showbiz, ang sumasali sa Ironman ay sina Drew Arellano, Tessa Prieto-Valdes (na naka-outfit pa rin kahit nakikipag-race), Anthony Pangilinan at Sen. Pia Cayetano. Bagong dagdag sa kanila si Richard.
Sabi ni Chard, iba ‘yung high na ibinibi­gay sa kanya ng nasabing sports. Para raw itong ‘meditation on the move’ dahil sa tagal niya sa race track.
Exciting itong sports at hindi boring dahil natu­tuto ka ng tatlong disciplines at pinu-push mo ang sarili mo to the limit, kaya achievement talaga ‘pag nagawa mo.
“Kasi, I’ve been doing so many sports. Basketball, boxing, martial arts. Kumbaga, nagawa ko na lahat. So, parang another challenge na naman. At saka talagang ultimate challenge, ‘di ba?”
Plano ni Chard na sa birthday niya next year ay mag-organize ng ma­rathon at triathlon event.
Siya mismo ang mag-iimbita sa showbiz friends niya na sumali. For chari­ty ‘yon at may naiisip na siyang beneficiaries.
Sobrang hooked nga­yon ang binata sa sports at gusto niyang i-encourage ang mga tao na ma­ging sports-minded, ma­ging fit, tapos ay makakatulong pa sa charity at the same time.
Si Jennylyn Mercado ay nagti-training ngayon for triathlon, kaya natutuwa si Chard para kay Jen.
Nang mag-guest ito sa Captain Barbell ay kinukuwentuhan lang daw niya si Jen na ang sarap ng naturang sports dahil that time ay nag-switch na si Chard from martial arts to triathlon.
“Kaya nu’ng nakausap ko siya sa telepono, sabi ko sa kanya, ‘Wow, Jen, ngayon nagta-triathlon ka na.
Dati, tinatanong mo lang kung masaya ba ‘yon.’ Dati, curious siya, eh. ‘Masaya ba ‘yon?
Hindi ba boring ‘yon?’
“So ngayon, natuwa ako na nabalitaan ko na sasali siya sa triathlon,” nakangiting sambit pa ni Richard.--Allan Diones