Regine, ‘di maamin ang ‘pagbubuntis’ dahil sa endorsements

Rey Pumaloy

Humingi ng paumanhin sa media ang kampo ni Regine Velasquez-Alcasid sa pananatiling tikom ng kanilang bibig, kaugnay sa diumano ay pagbubuntis ng singer-actress-host.


Alam ng kampo ni Regine na may mga nagtatampo sa hindi nila pagsasalita tungkol sa issue. Pero, ang ilan sa mga endorsements ni Regine ang rason kung bakit ayaw daw munang magsalita ng kampo ni Regine o ng Songbird mismo tungkol sa tunay niyang kalagayan.



May mga nakasaad daw sa kontrata ni Regine sa mga endorsements niya na puwedeng maapektuhan kung magsasalita siya. Kaya raw kinakailangang ayusin muna ang mga ito para hindi magkaroon ng problema.



Mukhang favorable naman ang pakikipag-usap ng manager at kapatid ni Regine na si Cacai Velasquez-Mitra sa kliyente nila kaya maaari na raw magsalita si Regine.



Sabi sa amin ng aming kausap, kung hindi magkakaroon ng aberya o problema, puwede na raw magsalita next week o after Holy Week si Regine tungkol sa kanyang tunay na estado o kalagayan.



Sa mga fans ni Regine na nagtatanong kung kumusta na ang kalagayan nito, ayon sa kausap naming malapit sa singer-actress, wala na raw itong migraine ngayon. Ini-enjoy daw nito ang kanyang biglaang bakasyon. Masaya raw ito dahil madalas niyang nakikita ang asawang si Ogie. 



Hindi pa alam ng aming source kung ano ang magiging kaganapan sa 41st birthday ni Regine sa April 22. Ang tiyak lang ay isang simpleng get-together ng buong pamilya nina Ogie at Regine, kasama ang ilang piling mga kaibigan ang magaganap sa bahay nila sa QC.



Tinatanong nga raw ni Ogie si Regine kung ano ang regalong gusto nitong matanggap ngayong kaarawan niya. Wala na raw mahihiling pa si Regine dahil ang pinakabagong blessing daw na natanggap nila ngayon ang pinakamalaking gift na naibigay sa kanya ng kanyang mister.