Jennylyn, idinawit sa isyu nina Claudine-Raymart


Gorgy Rula

Nanatiling tahimik pa rin ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Baretto sa isyung kinasasangkutan nila ngayon.
Kahit ang ilang malalapit na kaibigan ay ayaw magkomento tungkol dito. Ilan sa kanila ay alam kung ano ang nangyayari sa mag-asawa, pero ayaw naman nilang magkuwento.
Pero ngayon ay hindi na nga raw sila kinakausap ng mag-asawa dahil mas gusto nilang manahimik na lang muna.
Si Claudine ay ang abugado lang daw nito ang kinakausap at wala silang sinasabihan kung ano ang susunod nilang hakbang.
Kahit sa Iglot ay hindi nag-taping si Claudine na naintindihan naman ng production staff dahil sa pinagdaanan nito ngayon.
Nakausap ko naman ang ilan sa mga malalapit nilang kaibigan, karamihan ay tila kampi kay Raymart.
Parang ayaw naman nilang maniwala sa isyung umabot sa bugbugan ang problema nina Raymart at Claudine. Unang-una, hindi raw ganun si Raymart at hindi nito kayang mambugbog ng babae.
Naintindihan daw nila ang kalagayan ngayon ni Raymart dahil matagal na nga raw itong nagtitiis kay Claudine.
Iyun ay pawang komento lang mula sa ilang kaibigan na ipinagtataka namin kung bakit mas naintindihan nila si Raymart.
Ang isa pa sa ipinagtataka namin, bakit nadadamay si Jennylyn Mercado sa isyu?
May mga nagpaparating na merong namamagitan sa kanila ni Raymart na parang ayaw naman namin paniwalaan dahil very much involved naman si Jennylyn kay Luis Manzano.
Sinubukan naming hingan ng reaksyon si Jennylyn sa pamamagitan ng kanyang manager na si Becky Aguila pero hindi pa kami sinasagot as of presstime.