Heart, itinapon na ang mga kanegahan


Gorgy Rula

Pagkatapos pumirma ni Heart Evangelista ng kontrata sa Viva Films nu’ng kamakalawa ng hapon, nabasa namin sa kanyang Twitter account; “Good presscon, thank you Viva and to all the other reporters who came:) they were all positive:) except for one.. geez okay I moved on:)”
Wala kaming ideya kung sinong reporter ang tinutukoy niya, pero pawang positibo naman ang pinag-usapan namin dahil iyun naman daw ang gusto na niyang pag-usapan sa ngayon.
Nilinaw naman ni Heart na itinapon na niya ang mga kanegahang pinagdaanan niya lalo na ang mga intri­gang hinarap niya ilang buwan nang nakaraan.
Tinanong namin ito kung willing ba siyang makipag­bati sa mga nakabangga niya noon, pero wala kaming binanggit kung sino ang mga ito.
“Ako, I’m really, really okay with everyone. Wala akong problema sa kahit kanino. If they’re okay, I’m okay. I’m always be okay,” sagot nito sa amin.
“The moment it was happening, out na rin siya. So, niri-reject ng body ko. So, it was over,” dagdag pa niyang sagot sa tanong namin tungkol sa mga intriga at away na pinagdaanan niya.
Sa ngayon ay mabuting mag-focus na lang daw siya sa trabaho lalo na’t magsisimula na siya ng bagong drama series sa GMA 7, ang Legacy na pagsasamahan nila nina Geoff Eigenmann, Lovi Poe at Solenn Heussaff.
Wala pa raw siyang ideya kung ano talaga ang takbo ng kuwento dahil bukas pa sila haharap para sa story conference nito.
Muli niyang makakasama si Lovi pagkatapos ng kontrobersyal na pagsasama nila sa Temptation Island na nadamay sa isyu nila ni Marian Rivera.
Hindi naman daw naapektuhan ang friendship nila pagkatapos ng gulong iyun.
“It never changed. Lovi and I had a great relationship. Si Solenn, we’re all good. It’s exciting to work with people na nakatrabaho mo dati, mga kaibigan mo pa,” pakli nito.
Samantala, iniiwasan naman ni Heart na pag-usapan pa ang kanyang lovelife.
Pinabulaanan niya ang intrigang nagkakalabuan sila, pero mas mabuting sa trabaho na lang daw naka-focus dahil perfect naman daw ang relasyon nila ni Daniel at nandiyan lang daw at masaya silang dalawa.
“I want people to talk about my job, not just my lovelife. Kasi being named Heart, I think it’s just a curse na yata for me. It’s all about my lovelife all the time. It’s good, it’s perfect, diyan na muna siya.
“I think relationship is like that. Wala namang nangyayari, eh. That’s life you know, especially in showbiz. But everything is good. We’re very good,” pahayag nito.
Maaaring nairita siya sa pangungulit namin tungkol sa kanilang relasyon, kaya paulit-ulit din niyang sinasabing okay na okay sila ng Brapanese model/actor.
Tatlong taon ang pinirmahang kontrata ni Heart sa Viva na siyang magha-handle ng movies at recording.
Gusto raw niyang mag-recording kaya excited siya rito at sa susunod na taon ay sisimulan na raw niya ang isang suspense/thriller na gagawin niya sa Viva.