GMA Network secures primetime lead in Urban Luzon and Mega Manila


Ang GMA Network, Inc. (GMA) pa rin ang pinakapinapanood na television station sa bansa, batay sa ratings na ipinalabas ng Nielsen TV Audience Measurement sa unang bahagi ng Oktubre.

Sa naturang datos mula Oct 1 hanggang 19 (Oct 16 to 19 batay sa overnight readings), nakapuntos ang GMA ng 35.7 points sa total day household audience shares sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM), kumpara sa 28.9 points ng ABS-CBN.

Sa kalamangan na 6.8 points, lumilitaw na 1.2 million pang manonood sa buong bansa ang nakatutok sa mga programa ng Kapuso station kumpara sa ABS-CBN sa nabanggit na panahon. Ang naturang pagtaya ay batay sa limang manonood sa bawat tahanan.

Ang patuloy na paglakas ng GMA ay bunga ng pamamayagpag sa nationwide ratings ng mga Kapuso program sa daytime block, at ang paghina ng ABS-CBN sa kanilang primetime performance sa naturang bahagi ng buwan ng Oktubre.

Ang GMA pa rin ang primetime winner sa Urban Luzon (na kumakatawan sa 77% ng nationwide TV households). Sa partial October ratings, angat ng 3.5 points ang GMA (33.7) sa ABS-CBN (30.2 points).

Sa overall top 10 programs sa Urban Luzon, pito ang mula sa GMA primetime programs, na kinabibilangan ng Munting Heredera, Amaya, Kapuso Mo, Jessica Soho, Iglot, 24 Oras, Pepito Manaloto, at Time of My Life.

Sa Mega Manila (na kumakatawan sa 58% ng nationwide TV households), mas malaki ang kalamangan ng GMA (34.4 points) sa ABS-CBN (28.5 points).

Halos walisin ng mga programa ng GMA ang top 10 programs sa Mega Manila. Kabilang dito ang Munting Heredera, Amaya, Kapuso Mo, Jessica Soho, Iglot, 24 Oras, Time of My Life, Pepito Manaloto, at Imbestigador.

Ang Nielsen TV Audience Measurement na ginagamit ng GMA ay tinatangkilik din ng 21 pang kumpanya, kabilang ang dalawang local networks na TV5 at Solar Entertainment. Kasama rin ang Faulkner Media; CBN Asia; 13 advertising agencies at tatlong regional clients.

Samantala, tanging ang ABS-CBN lamang ang local major TV network ang napaulat na gumagamit sa Kantar Media, na dating kilala bilang TNS.