Isabelle Daza hahataw sa Party Pilipinas

Jun Lalin


Sa Linggo na ang launching ni Isabelle Daza bilang exclusive contract star ng GMA kung saan ay contract stars din ang mga kaibigan niyang sina Raymond Gutierrez, Solenn Heussaff at Lovi Poe.
Excited si Isabelle dahil magsasayaw siya sa weekly musical variety show na Party Pilipinas.
Gustuhin man ni Isabelle na kumanta, hindi siya nabiyayaan ng magandang boses, kaya dadaanin na lang niya sa sayaw dahil ‘yon ang talent niya.

Sa pakikipag-usap ko kahapon kay Isabelle, pinanindigan niya ang unang desisyon niya na huwag sumali sa anumang beauty contest para sundan ang mga yapak ng ina niyang si Gloria Diaz na Miss Universe 1969.
Kung sasali kasi siya at manalo, may masasabi ang mga tao at kung matalo siya, may sasabihin pa rin, kaya mas mabu­ting huwag na lang siyang sumali sa kahit na anong beauty contest. Sobrang pressure rin daw ‘yon para sa kanya.

Sa ngayon ay magko-concentrate na lang muna siya sa kanyang showbiz career.
Bukod sa pagsasayaw at pagho-host, aarte rin siya at kamakailan lang ay nagkaroon sila ng ac­ting workshop ni Solenn. Okay raw ang kinalabasan no’n.
Malamang din na ‘yung danserye na sisi­mulan ng kanyang mother network ang una niyang maging series.
Sa hosting, magpapaturo siya sa kaibigan niyang si Raymond na para kay Isabelle ay napaka­galing na TV host.

Samantala, inusisa ko rin si Isabelle dahil very lady na ang dating niya ngayon samantalang noong bata pa siya ay parang may pagka-tomboy siya.
“Yeah, parang tomboy nga ako noon, pero babaeng-babae naman talaga ako,” sabi niya.
May French-boyfriend si Isabelle ngayon at wala raw problema rito ang kanyang pag-aartista.
Hindi rin daw naging problema sa ina niyang si Gloria ang pagkakaroon niya ng boyfriend.
Kilala ni Gloria ang kanyang boyfriend at mabait daw rito ang kanyang ina.
Tungkol sa mga intriga sa showbiz, handa na raw siya at aware rin daw siya sa mga intrigang kinasangkutan noon ng kanyang ina.

Hindi rin lihim sa kanya na na-link noon ang kanyang ina sa ibang mga artista, lalo na kay Vic Vargas (SLN).
Kung sakaling maiintriga siya, nakahanda na raw si Isabelle.
Wala raw naging problema sa kanya ang paghihiwalay noon ng ina niya at amang si Bong Daza.
Natawa ako nang sabihin ni Isabelle na mas masaya pa raw dahil doble na ang birthday at Christmas gifts niya nang maghiwalay ang kanyang parents.

“Pati allowance, doble rin,” natatawang sabi ni Isabelle.
Masaya si Isabelle na kahit hiwalay ang kanyang parents, magkaibigan ang mga ito.
Sa katunayan, nagde-date pa raw ang nanay niya kasama ang bagong boyfriend nito at kasama pa raw ang tatay niya at ang bagong girlfriend nito.
Nabanggit din ni Isabelle na bukod sa malapit siya sa pamilya ng kanyang nanay, malapit din siya sa pamilya ng kanyang tatay.

Famous din ang lola ni Isabelle, si Nora Daza, na magaling magluto.
Si Isabelle ay mahilig kumain, pero dahil very active siya sa sports, kaya hindi siya tumataba.
Paborito ni Isabelle sa mga pelikula ng nanay niya ang Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa na launching movie ni Gloria.