‘Captain Barbell’ namayagpag sa ratings
Alfie Lorenzo
Namayagpag ang Captain Barbell sa una nitong paglipad matapos makapagtala ng sunud-sunod na matataas na ratings, ayon sa Nielsen TV Audience Measurement.
Ang unang episode ng Captain Barbell na pinagbibidahan ni Richard Gutierrez ay naka-33.7% audience share sa Mega Manila households.
Ang pilot week nito ay naka-33%.
Umani ng papuri ang programa dahil sa mga high-tech scenes nito na ginamitan ng Computer Generated Images (CGI). Kapansin-pansin ang modernong costume ni Captain Barbell na ipinakita sa unang episode habang nakikipagtuos kay Nero (Christopher de Leon).
Sa pagpapatuloy ng kwento, maghaharap sina Captain Barbell at Gregor (TJ Trinidad) na bago pa lamang nadiskubre ang kanyang mala-taong bakal na kakayahan.
Unti-unti na ring lumalabas ang mga superpowers ng ibang tinamaan ng kidlat na tulad nina Ricky (Ervick Vijandre), Gaston (Elvis Gutierrez), Misha (Bea Binene) at Alden (Jake Vargas).
Samantala, magpapatulong si Lelay (Jillian Ward) sa teacher niyang si Althea (Lovi Poe) para tapusin ang school project niyang family tree.
