‘Iglot’, waging-wagi sa ratings

Jackpot na naman ang GMA 7 dahil naging mainit ang pagtanggap ng mga manonood sa pinaka-bagong primetime series nilang Iglot. Nanguna ang programa na pinagbibidahan nina Claudine Barretto, Jolina Magda­ngal, Marvin Agustin, Luis Alandy, Pauleen Luna, Patrick Garcia, Celia Rod­riguez, at new Kapuso child star Milkcah Wynne Nacion sa Mega Manila at Total Urban Luzon ayon sa Nielsen TV Audience Measurement. Sa viewer-rich Mega Manila, nakakuha ang pilot week ng Iglot ng average household share na 33.3 percent samantalang 29.6 percent naman ang sa katapat nitong programa sa ABS-CBN. Namayagpag din ito sa Total Urban Luzon na kumakatawan sa 77 percent ng total television households nationwide matapos itong makapagtala ng 31.5 percent laban sa 30.6 percent ng kalabang programa. Sa pagpapatuloy ng kwento, mas makikilala pa ng mga manonood kung sino si Iglot, at kung anu-anong mga nakakatuwang bagay ang kaya nitong gawin. Laking gulat ni Ningning (Milkcah Wynne Nacion) nang makitang hati na ang shell at nawawala si Iglot. Dali-dali namang hahanapin ni Ningning si Iglot sa labas ng bahay hanggang sa makarating ito sa kakahuyan. Matatagpuan ni Ningning si Iglot at mapapansin niyang may sugat ito. Iuuwi ni Ningning si Iglot para gamutin habang itinatago ito mula kay Lola Idang (Celia Rodriguez). Samantala, patuloy sa paghahanap sa nawawalang anak si Mariella (Claudine Barretto) sa tulong ng isang private investigator, labag man ito sa kagustuhan ni Juancho (Luis Alandy). Sa isang ‘di inaasa­hang pagkakataon ay mapapalapit si Ramona (Jolina Magdangal) kay Ningning at magiging magkaibigan ang dalawa. Alamin kung paano unti-unting babaguhin ni Iglot ang buhay ng mga tauhan sa kwento. Tunghayan ang pagpapatuloy ng programa sa ilalim ng direksyon ni Gil Tejada Jr.--Alfie Lorenzo