Rachelle, tinubuan ng bukol sa lalamunan!


aglabas ng item na ito ay nakapagpatingin na marahil si Rachelle Ann Go sa isang espesyalista sa lalamunan. Hindi lang si Sarah Geronimo ang nagkaroon ng problema sa kanyang lalamunan kundi pati na rin si Rachelle.

Nagkaroon ng mga bukol sa lalamunan niya si Rachelle, dahilan para makaramdam siya ng discomfort habang nagsasalita, at lalo na kapag kumakanta.


Kung hindi kami nagkakamali, nagkaroon na rin ng ganitong problema noon sina Lea Salonga at Zsa Zsa Padilla.


Reklamo nga ni Rachelle, madalas daw sumakit ang lalamunan niya at may mga pagkakataong nahihirapan siyang bumirit ng mga kanta. Mabuti na lang daw at may mga alam siyang techniques kaya naman hirap man sa pag-awit naabot pa rin niya ang mga matatas na nota ng mga kinakanta niya.


Sa pagkakaalam ni Rachelle, puyat at pagod ang sanhi ng kanyang karamdaman. Dagdag pa ang pabagu-bago ng panahon.


Esplika niya, apektado raw talaga kung kulang sa tulog at pahinga ang kakayahan ng lalamunan, lalo na at pinipilit itong gamitin sa pagkanta o sa walang tigil na kasasalita.


Sabi nga sa amin ni Rachelle, kailangan niyang alagaan ang kanyang boses dahil ito ang puhunan niya sa kanyang propesyon.


Wala pa namang takot na nararamdaman si Rachelle sa karamdaman niya. Pero kailangan niyang ipagamot ito lalo na at nalalapit na ang musical production na Little Mermaid na gagawin sa Meralco Theater.


Ibayong pagi-ingat na nga lang ang gagawin ni Rachelle ngayon lalo at nasa promo stage na rin ang kanyang latest album na Unbreakable under Viva Records.


Samantala, natawa si Rachelle sa mga nakakara­ting sa kanyang comments na nagsasabing parang napakadali naman niyang makalimutan si John Prats. Depensa ni Rachelle, minahal din niya si John pero hindi naman daw niya kailangang mabuhay sa nawasak nilang relasyon.


“Ipinaubaya ko na lang lahat kay God. At naging madali sa akin ang makapag-move on.  Saka siguro ayaw ni God na kami,” nakangiting pahayag na lang ni Rachelle.